FollowLike

Pagbabalik ng TV Patrol sa free TV, ikinatuwa ng maraming netizens

- Matapos ang halos 20 buwan, nagbalik na sa ere ang TV Patrol sa pamamagitan ng A2Z Channel 11.

- Huling umere ang TV Patrol sa dating ABS-CBN Channel 2 noong May 5, 2020, ang araw kung saan pwersahang ipinatigil ang pag-ere ng Kapamilya Network dahil sa pagpaso ng prangkisa nito.

- Ikinatuwa ito ng maraming netizens na matagal nang nakakamiss sa panonood ng balita hatid ng TV Patrol sa kanilang mga telebisyon.

Matapos ang halos 20 buwan, nagbalik na sa ere ang longest-running Tagalog newscast sa Philippine television, ang TV Patrol, sa pamamagitan ng A2Z Channel 11, ang flagship television station ng Zoe Broadcasting Network.

Muling umere ang TV Patrol nitong unang araw ng 2022 sa kanilang weekend edition kasama sina broadcasters Alvin Elchico at Zen Hernandez, ganap na alas-6 ng gabi.

Huling ipinalabas sa free TV ang TV Patrol sa dating ABS-CBN Channel 2 noong Mayo 5, 2020, ang araw kung saan nag-isyu ng "cease-and-desist order" ang National Telecommunications Commission upang ipatigil ang pag-ere ng Kapamilya Network, ang radio stations nito na DZMM 630 KHz at MOR (DWRR) 101.9, kasama ang mga regional TV at radio stations nito.

Ilang araw ang lumipas, muli itong ipinalabas sa cable news channel ng ABS-CBN na ANC, na kinalaunan ay sa TeleRadyo, ang TV channel version ng DZMM at CineMo na local movie channel ng ABS-CBN sa select areas, ngunit kinalaunan ay ipinatigil din ang pag-ere nito noong Hunyo 2020, sa kasagsagan ng hearings ng Kongreso kaugnay ng franchise ng Kapamilya Network. Kaya sa mga sumunod na buwan, naging limitado ang reach ng TV Patrol liban sa mga nakakapanood sa online at cable.

Sa muling pag-ere ng TV Patrol sa A2Z, maraming netizens at mga tagasubaybay ang natuwa. Ayon sa iba, nakasanayan na nila ang manood ng balita sa TV Patrol tuwing gabi, na namiss nila, kaya malaking pasasalamat na lang sa ABS at maging sa Zoe na mangyari na ito sa wakas para mas marami na ang makapanood. Tradisyon naman sa karamihan ang manood ng TV Patrol na 34 na taon nang umeere, dahil sa patas na pagbabalita nito at sinusundan na ito mula pa noong 1987. Matagal namang hiniling ng iba na isama na dapat noon pa ang TV Patrol sa mga nauna nang mga programa ng ABS-CBN na umeere sa A2Z. Wish pa raw ng iba ay sa TV5 sana, kahit raw sa mga sister station nito gaya ng One PH para raw mas malawak ang abot nito lalo na sa mga probinsya. Ayon pa sa iba, sana ay mas malawak ang maaabot ng A2Z sa kanilang lugar na karaniwan ay 'di sakop ng signal ng transmitter ng Zoe na ang nasasagap lamang ay ang Metro Manila at ilang parte ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan. Sabi naman ng ibang netizens, limitado man ang reach dahil sa A2Z, mas mainam na rin na nagbalik na ito sa free TV.

Sa Enero 3, 2022 naman magbabalik ang main newscast nito, sa ganap na alas-6:30 ng gabi, kasama sina Henry Omaga-Diaz, Bernadette Sembrano at Karen Davila, katuwang pa ang mga segment anchors na sina Gretchen Fullido para sa balitang showbiz, Ariel Rojas para sa ulat-panahon, Boyet Sison para sa dagdag-kaalaman, Winnie Cordero para sa diskarte at pampagaan ng buhay at Marc Logan para sa mga kwentong nakakaaliw at pampatanggal ng umay.

Bukod sa A2Z, mapapanood pa rin ang TV Patrol sa ANC, TeleRadyo at Kapamilya Channel sa cable, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, iWantTFC at TFC IPTV sa mga Kapamilya at kababayan natin sa abroad.

Post a Comment

Previous Post Next Post